Angelica Panganiban talks about “hot” Derek, kissing Gabby and “scary” Kim
The year was 1998, habang nagpapalitan ng “I do’s” sina Lucy Torres at Richard Gomez, meron namang isang batang babaeng umiiyak sa isang tabi.
“Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak noon. Siguro feeling ko, na-hurt ako. Kasi siguro hindi ako yung pinakasalan,” natatawang sabi ni Angelica Panganiban habang kinakausap ng press sa pocket presscon na ibinigay sa kanya ng Star Cinema, sa 9501 Restaurant sa ABS-CBN Building kamakailan. Si Angelica ang isa sa bidang babae ng I Love You, Goodbye, na pinagbibidahan din nina Kim Chiu, Gabby Concepcion at Derek Ramsay. Official entry ang pelikulang ito ng Star Cinema para sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 25.
“Ultimate crush ko kasi talaga si Richard Gomez,” pag-amin pa ng 23-year-old na dalaga. “Nung kinasal talaga sila ni Ms. Lucy, naiyak talaga ako. Bata pa lang ako no’n, ha. Naiyak talaga ako.”
Kaya nga raw hindi kataka-taka kung na-in love man si Angelica sa boyfriend nitong si Derek dahil may hawig ito kay Goma, moreno at mas mature sa kanya ng konti.
“Pinagtiyagaan ko na lang ang mga nunal ni Derek…joke,” patawa ni Angelica. Pero bawi agad nito, “Crush ko lang si Richard… Mahal na mahal ko si Derek!”
Magtatatlong taon nang magkasintahan sina Angelica at Derek at marami na rin daw silang pinagdaanang pagsubok. Palibhasa’y parehong malakas ang dating, sinabi ni Angelica na tiwala lang talaga sa isa’t isa ang sikreto kung bakit hanggang ngayon ay sila pa rin ni Derek ang magkarelasyon sa kabila ng mga gustong “umeksena” sa kanila. Lalo na ngayon kay Derek na kinokonsidera ng karamihang babae na “hot property.” Paano nga hina-handle ni Angelica ang mga ganoong gustong “umeksena” kay Derek?
“Nasanay na po ako kasi napakaguwapo ni Derek,” pagmamalaki ni Angel. “Ang sarap kaya niya titigan… Kanin na lang,” tawanan tuloy ang mga kausap ng dalaga sa pagre-refer sa kasintahan niya bilang masarap na ulam.
“SHOWER SCANDAL”? Usap-usapan ang naging “shower scene” nila ni Derek sa I Love You, Goodbye. May mga nagsasabi pa nga na may nag-upload diumano nito sa Internet at nilagyan pa ng “Angelica-Derek Scandal” na title. Ano ang reaksyon ni Angelica sa tsismis na ito?
“Hindi ko alam, siguro, ewan ko…di ikalat nila,” hamon ni Angelica. Sobrang “hot” daw kasi ng love scene nila ni Derek sa shower dahil “ibinigay” na ni Angel ang sarili sa eksenang ito.
“Ahh… siyempre, may mga tinatakpan. Pero bilang shower nga siya, nababasa din naman…pang-protect man, tanggalin na lang natin. Hindi, kasi, mahirap. Nakakailang lang din. Hindi masyadong real yung pakiramdam, bilang tao,” paliwanag ng young actress na ikina-titillate naman ng mga kausap na press people.
Naging mas madali raw kay Angelica ang love scene dahil si Derek nga ang kaeksena niya. Isa kasi sa mga requirements niya sa mga eksenang maselan na tulad nga ng love scene o kahit simpleng kissing scene ay yung kilala niya talaga ang makakaeksena. “Yung kaya kong biruin after nung eksena. Kalokohan. Puwedeng asar-asarin.”
KISSING GABBY. Nai-relate nga niya yung sa love scene nila noon ni Aga Muhlach sa A Love Story na may ilang at kaba pa siyang nararamdaman dahil hindi nga niya close pa noon si Aga. Ganoon din ba ang naramdaman niya nung love scene naman nila ni Gabby Concepcion ang kinunan na?
“Wala naman po kaming naging problema. Actually, siya yung medyo kinakabahan pa nung una. Kasi ako yung ginawa ko sa movie, nagtiwala ako sa direktor ko, sa mga tao sa paligid ko, sa katrabaho. Hindi ko na iniisip yung ginagawa ko. Napapanood ko na lang siya, nagugulat na lang din ako sa sarili ko. Sabi ko nga, ang sarap pala ng pakiramdam pagka binigay mo lang lahat at nagtiwala ka. So hindi tumatakbo ang utak ko, ibang tao na po yung tumatakbo sa akin,” paliwanag ni Angelica.
May nagtanong kung may difference ba ang feeling ng paghalik ng isang mature at experienced na lalaki kaysa sa boyfriend niyang si Derek?
“Gustung-gusto ko kayong sagutin kung sino yung ganito…kaya lang…kasi hindi ko rin alam. Siguro pagpa-practice-an ko yung pagka may ka-kissing scene ako, ime-memorize ko kung paano sila humalik. Para mai-share ko,” natatawa uling sagot ni Angelica.
“Kaya lang kasi pag nandun ka na, hindi mo na kasi iisipin yun, e. Talagang ang iisipin mo kung paano magwo-work yung eksena nyo…papaano mo pagagandahin yung eksena na hindi ka umo-over the limit. So maraming tumatakbo sa isip mo pag ginagawa mo yun. And kailangan maramdaman ng mga tao na, ‘ay, ang hot!’ ‘ay, ang love!’ ‘ay, ang romantic!’ Ang daming tumatakbo sa isip mo and at the same time, hindi mo dapat iparamdam sa mga tao na ang daming tumatakbo sa isip mo. Ang hirap, loaded ka, e. So hindi ko maisip na, ‘ay ang sarap!’ ‘ay ang galing, gusto ko do’n!’” dagdag pa ng Banana Split star.
Sa kanila naman daw ni Gabby, medyo matagal na rin daw silang magkakilala since Iisa Pa Lamang (2008) days pa. Close na rin naman daw sila at nabibiro pa niya ang daddy ni KC Concepcion kapag may kaba ito sa mga eksena nila.
SCARY KIM. Kumusta naman kaeksena ang tinagurian ngayong Primetime Princess na si Kim Chiu?
“Nagulat ako sa kanya. Kasi nung ginagawa naming yung… siyempre napapanood ko siya and nagagalingan ako sa kanya. Hindi ko lang ine-expect na kapag kaeksena ko siya, ang lakas ng presence niya bilang artista. So pag nandun siya, parang natatakot na yung lahat, yung naka-capture niya yung moment. So ikaw yung… ‘Ano ‘to? Ano’ng nangyayari?’ May gano’ng moment kapag kaeksena ko siya. So nakaka-inspire, at the same time, nakakakaba,” sambit ni Angelica tungkol sa Pinoy Big Brother Teen Edition winner.










