Zoren Legaspi says his wife Carmina Villaroel isn’t jealous of Ruffa Gutierrez
Aktibong-aktibo ang showbiz career ni Zoren Legaspi especially ngayong Pasko dahil dalawa ang pelikula niya sa 2009 Metro Manila Film Festival. Una ang comeback team-up nila ng ex-girlfriend niya na si Ruffa Gutierrez on screen sa Shake Rattle & Roll XI at Mano Po 6 na parehong pelikula ng Regal Films.
Marami naman ang nagulat sa balik-tambalan nila ni Ruffa dahil kitang-kita pa rin ang kilig ni Zoren sa dating nobya. Aminado naman si Zoren na mahal pa rin niya si Ruffa hanggang ngayon. Pero ano naman ang reaksyon kaya ng asawa niyang si Carmina Villaroel sa pagkakaugnay ulit nila ni Ruffa? “Wala naman, minsan tinututkso lang niya ako, ‘Uy, kinikilig ka ‘no? Kinikilig ka ‘no?’ Pero alam mo namang nanunukso lang,” ngiti ni Zoren. Nagalit ba si Carmina nu’ng maglabasan ang sinabi niya na mahal pa rin niya si Ruffa? “Ah, as a friend. I’m sure nakadugtong ‘yun. Pero ‘yung headline nakalagay mahal ko si Ruffa.” Hindi naman daw selosa si Carmina.
Ano ang Christmas wish niya for his family? “Wala akong wish sa sarili ko or for the kids kasi kahit nga regalo ng kambal hindi na kami nag-iisip dahil ang dami ngang nagre-regalo sa kanila. Pero may wish list ‘yang kambal, e. They call it wish list. Pero ‘yung wish list nila mahaba. Pero marami rin naman silang kamag-anak kaya nabibigay din ‘yung nasa listahan nila.” Ano ‘yung nasa top three wish list nila? “Ay, mga ano lang naman, lego, Bratz du’n sa babae, rollerskates, mga maliliit na bagay na laruan lang ng bata.” Pero ano ang plano niyang iregalo sa mga bata na nasa wish list nila? “Ah, normally, ang ginagawa namin ni Carmina kung ano ‘yung wala sa wish list nila kami na lang ang magpupuno. Pero normally, natatapos talaga ‘yung buong wish list na ‘yun. Kaya ako naga-ano ako, nag-iisip ako ‘yung pang-birthday na nila, January 6 kasi ang birthday nila. So, ‘yun ang nagpre-prepare ako. Saka hindi Christmas gift ‘yung sa akin, e, it’s more of a New Year gift for being a good boy, good girl throughout the year. Parang eto ‘yung regalo ko sa inyo. Hindi Christmas gift, e. Dahil mabait kayo for the whole year, hindi kayo nagsinungaling, ganu’n.”
So ano ang gusto niya iregalo sa twins? “Ah, ang gusto ni Maveck (Maverick) ‘yung tennis racket. Pero medyo mahal, e, nasa nine thousand. Dalawa kasi ang gusto niya, so, P18,000. ‘Yung babae naman talagang dying to have a stroller na, ‘yung parang ano ‘yun, e. May mura, may mahal pero ang iniisip ko ‘yung aksidente, e. At madali namang ma-ano ‘yan, appreciative naman ‘yung kambal, e, kahit ano’ng ibigay ko. At saka hindi sila nanghihingi ng pera, ‘I want money,’ ‘yung ganu’n.”
Hindi ba sila nagwi-wish ng kapatid? “Hindi, e. Pero maraming nagre-request, e. Sundan ninyo na, sundan ninyo na. Nine years old na sila ngayong January. Parang excited sila kung ano ang lalabas sa susunod. Pag-aralan ko muna. Hindi kasi, if ever, gusto ko nga kambal ulilt para masayang-masaya. ‘Tsaka para may kalaro agad, may ka-partner.” Gusto rin ba ni Carmina ng isa pa’ng kambal? “Yeah, gusto niya kambal sana ulit. Sana nga kambal ulit.”
May Christmas prayer ba siya? “Ah, ano lang nagpapasalamat lang ako sa buong taon na walang naaksidente sa amin, nakakakain kami three times a day, minsan four times pa nga, e. Kaya ‘yun medyo bless kami for the past ano, e. Basta simula nu’ng pumasok ‘yung kambal wala ako’ng naging problema sa sarili ko, ganu’n din si Carmina. Kaya mapapansin ninyo na wala kaming kaintri-intriga sa amin kasi wala kaming, wala, happy lang kami, to be together,” tapos ni Zoren.










