Karylle says she has a suitor now, but told him to wait first
Mahigit isang taon na ang nakalilipas mula nang mag-break sina Karylle at Dingdong Dantes, pero hanggang ngayon ay wala pang nababalitang bagong boyfriend ang singer-actress. Ito ay sa kabila ng nababalitang relasyon naman ni Dingdong kay Marian Rivera.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Karylle sa ASAP XV kahapon, January 24, tinanong namin siya kung ano ang dahilan at hindi pa niya ulit sinusubukang makipagrelasyon?
“Actualy, siguro baka wala lang napapag-usapan!” tawa ni Karylle. “And I don’t think naman parang interesting enough para pag-usapan ang dating. Kasi, alam ninyo yun? Antayin na lang na magka-boyfriend. Pag meron na, hindi ko naman itatago yun.”
May mga nagsasabi na parang nahihirapan lang siyang palitan si Dingdong sa kanyang puso. Ano ang masasabi ni Karylle dito?
“Hindi, hindi!” mariing tanggi ni Karylle. “Ano lang siguro, hindi ako nagmamadali. Ano kasi, ang daming grasyang dumarating sa work. I guess, mas nagiging dun ang focus.”
Pero may nanliligaw ba sa kanya ngayon?
“Meron, pero sabi ko mag-antay na lang muna siya.”
Taga-showbiz din ba ang suitor niya ngayon?
“Hindi.”
This time ba ay mas gugustuhin ni Karylle na non-showbiz na ang susunod niyang maging boyfriend?
“Hindi rin natin alam. I mean, for me, God’s will. I always say, kahit dati, kahit inamin ko man na may dini-date ako, hindi ako nagmamadali, e. Parang God’s will talaga, di ba?” saad niya.
DINGDONG DANTES. Hindi naging maganda ang paghihiwalay nina Karylle at Dingdong. Since matagal na namang nangyari yung breakup nila at pareho naman silang naka-move on, sinabi ni Dingdong sa isang interview na gusto na niyang makausap si Karylle.
Ano ang reaksiyon ni Karylle dito?
“Ayoko na pong mag-comment tungkol diyan. Kasi mami-misinterpret lang. Ang sa akin lang, darating din siguro ang panahon na puwede kaming maging magkaibigan. And doon na lang ako. ‘Tsaka kami na lang yun, sa amin na lang yun.
“Ako, okey na okey na ako. So pag dumating na yung panahon, ang pagkakataon, magiging maayos na ang lahat. Pero mahirap nang pag-usapan. Kaya dapat hindi na pag-usapan kasi kung sinu-sino na ang nagko-comment, di ba?” iwas niya.
Nang minsang ma-interview naman ang mommy ni Karylle na si Zsa Zsa Padilla tungkol kay Dingdong, hindi nito sinagot ang tanong sabay walkout. Ang inisip tuloy ng press, siguro raw ay galit pa rin hanggang ngayon si Zsa Zsa kay Dingdong dahil sa sinaktan nito ang kanyang anak.
“Siyempre, kanya-kanyang interpretation. Ako kasi, kilalang-kilala ko siya [her mom]. Ayaw niya lang mag-comment kasi ang tagal na. So, yun lang. She’s a very good person. She’s a loving mother… very forgiving, very open-minded. Hindi po siya ganoon,” pagtatanggol ni Karylle sa ina.
SAM YG. Na-link noon kay Karylle ang deejay at mainstay ng Eat Bulaga! na si Sam YG, o mas kilala sa character nito bilang Shivaker. Pero ayon kay Karylle, magkaibigan lang sila ni Sam YG.
Paliwanag niya, “Kasi naging friend ko yung people from the [radio] station, sa Magic. Actually, hindi lang sa kanya, close din ako sa marami sa kanila, kahit pati sa mga boss pa nila. Actually, I had four projects with them. One was last year, around January. The second was for my birthday, March. The third nung Christmas, yung charity project namin, sa Timezone. And then yung fourth, ‘eto lang na January.
Sa ngayon ay hindi na raw nagkikita sina Karylle at Sam YG.
“Busy, very busy na kasi ako ngayon,” sabi ng singer-actress.
BUSY KARYLLE. Anu-ano ba ang mga pinagkakaabalahan niya ngayon aside from ASAP VX?
“During the run of our soap, yung Dahil May Isang Ikaw, sobra kong na-miss yung pagkanta,” sabi ni Karylle. “Ang dami kong nahindiang concert sa abroad. E, yun ang matagal ko nang inaasam na magkaroon. As a singer, siyempre, gusto mong mag-perform all over the world. Sabi ko nga after the soap finishes, I’m gonna focus on my singing.
“So this January, sunud-sunod. Like with my band, naggi-gigs kami, nagko-concert kami. We just finished Tagaytay, Cebu, ‘tapos… basta ikot kami nang ikot. Ayun, nakadalawang Cebu nga kami, e, ‘tapos Aklan. Kung saan-saan kami nagku-concert ngayon.
“Then sa February, marami din kaming gagawing concert. Sa February 5 and 6, nasa California kami ni Christian [Bautista]. ‘Tapos pagbalik dito, meron kaming concert sa Dumaguete on the 12th with my band. ‘Tapos on February 14, kasama ko si Tito Jomari Chan. ‘Tapos after Valentine’s, may concert naman si Christian sa Cavite. Guest naman ako doon,” kuwento ni Karylle.











hi…kamuzta…no.1 mo ko..galing mo kasing kumanta???/