Marian Rivera and Dingdong Dantes take New Year predictions with a grain of salt
Noong nakaraang holiday season ay nag-enjoy daw talaga sina Dingdong Dantes at Marian Rivera dahil ilang araw rin silang nakapagbakasyon sa Boracay.
Ayon kay Marian nang makausap ng Startalk, “First time kong makapunta run, so enjoy talaga. Nag-Banana Boat, nag-Flying Fish [dalawang uri ng recreational boats] ako, lahat talaga na-try ko.
“Sobrang sarap talaga. Siyempre, nakapagpahinga, nakapag-relax at nakapag-bonding talaga.”
Noong nasa Bora raw sila, napag-usapan nila ni Dingdong ang mga plano nila for 2010.
“Napag-usapan namin na i-enjoy namin ang sitwasyon ngayon. At na-excite kami dahil ilang buwan na lang, magkakasama na kami sa trabaho. Siyempre, maraming mga plano, maraming out of the country.
“Una na nga yung sa February na pupunta kami ng Dubai. Hindi lang yun, masusundan pa ng maraming-marami pa. At hindi lang yun, siyempre, yung Endless Love pa.”
GETTING ALONG WITH RHIAN. Tinanong si Marian kung totoo nga bang nagkaayos na sila ni Rhian Ramos nang mag-guest ang huli sa taping ng Show Me Da Manny.
Ayon kay Marian, “Wala namang dapat ipagbati dahil hindi naman kami nag-away,” nakangiting sabi niya.
Dugtong pa niya, “Kahit naman dati noong may soap sila ni Dong, I don’t think na meron silang intriga at alam naman natin ‘yan. Talagang trabaho lang.”
Since wala palang isyu sa pagitan nila ni Rhian, okay bang magkasama sila sa isang project?
“Katulad ng palagi kong sinasabi, wala akong karapatang mamili kung sino ang makakasama ko sa sa trabaho.”
PREDICTIONS. Sa pagpasok ng 2010, may mga hula na posible raw na mabuntis si Marian at ikasal sila ni Dingdong sa taong ito.
Natatawang sinagot ito ni Marian ng, “Ganun? Alam mo, last year, last last year, ‘yan ang sinabi sa akin. Naniniwala ka?”
May hula rin na magkakaroon daw ng problema ang relasyon nila ni Dingdong.
“Nasa babae yun, ha ha ha! Palagi naman, e. Dapat ang babae ang nagdadala,” ang sagot ni Marian.
Masasabi ba niyang malaki ang takot sa kanya ni Dingdong?
“Pangit ang term na takot, e. Sabihin na lang natin na malaki ang respeto niya sa akin. Pero walang dahilan para matakot siya dahil puro pagmamahal ang ibinibigay ko sa kanya.”
THE BEST IN EACH OTHER. Kinuha rin ng Startalk ang reaksiyon ni Dingdong sa mga hula kay Marian.
Sa hulang mabubuntis raw si Marian ngayong taon at ikakasal sila, ang sagot ng binata ay, “Siyempre, kanya-kanyang interpretasyon ‘yan, e. Pero ang importante, maitawid muna namin nang maayos ang programang ito.”
Kinontra naman ni Dingdong ang sinabi ni Marian na babae ang magdadala kung magkaproblema man ang relasyon nila.
“Siyempre hindi… it takes two to tango. Hindi naman puwedeng one-sided palagi.”
Dugtong pa niya, “As long as you bring out the best in each and every one, yun ang maganda run.”










